Pages

Total Pageviews

Wednesday, November 2, 2011

Mabagong Bayani ni G. Catalino V. Flores

Pagsusuri ng Tula


I.                  PAMAGAT:  MAKABAGONG BAYANI
II.               MAY-AKDA:  G. Catalino V. Flores
III.           SANGGUNIAN:  PLUMA I  Wika at Panitikan para sa Mataas na Paaralan
IV.            PAGSASALARAWAN:



Ikaw’y Pilipino sa kulay at dugo
Pilipinong ganap sa tindig, sa anyo,
Supling ka ng liping, kung lipi mang dungo
Nagdidili- dili kahit nakayuko;
Kung sa iyong muni’y ganap na matanto
Sikil ang matuwid, ang pag-asa’y  bigo,
At ang naghahari’y kabuktutang liko
Ikaw’y nakahandang maging buto’t bungo.

Sa mga ugat mo nananalantay
Ang dugong bayaning Dagohoy, Soliman,
Ang buto’t bungo mo’y pinalit pinanday
Kina Lapu-lapu, Lakandula’t Silang;
Sa utak mo’y naroroon ang talino’t dangal
Ng dakilang lumpo, Plaridel at Rizal
At sa iyong puso ay nakahimaymay
Sina Bonifacio, Luna, Goyo, Malvar.

Ikaw’yPilipinong Silanganing ganap
At iyan ang iyong dalisay na sangkap,
Kaya ba nga ng ikaw’y hamaki’t iwasak
Ng kapitbahay mong gahaman at sukab;
Ang iyong tahanan, kabuhaya’t lahat,
Piringa’t bulasan, gapusi’ ibilad,
Agawan ng laya’t gawan ng di tumpak
Pinag-aralan mong mamundok, manggubat.

Hindi birong hirap ang iyong nadama
Hindi birong gutom ang iyong binata,
Pitong susong bundok ang iyong sinampa
Nang may pitong pako sa kamay at paa;
Hanggang kay Bathala, ibig mong madala
Ang tutol ng iyong puso’t kaluluwa;
Upang makita lang bukas-makalawa
Naibsan ng hirap ang bayan mong sinta.


Hanggang ngayo’y tipon ang tapang mo’t  bangis
At iginugupo ng sama at lupit
Hanggang ngayon, ikaw’y naro’t nagbubuwis
Ng buhay sa gitna ng paghihimagsik;
Ang ibig mo’y bawat dugo mong umalis
Sa bayan ay maging pataba’t pandilig;
Ang hangad mo’y bawat hiningang mapatid,
Maging kapurihan natin sa daigdig.

Sa bunton ng iyong nagtalaksang buto,
Umagos na dugo’t lamang naging abo
May luha sa matang nakatingin ako
Nagdidili-diling puso’y sumisikdo.
Ikaw ay namatay, nilisan ang mundo,
Nilisan ang lahat ng mahal sa iyo
Ngunit ang gunita at puso kong ito
Ay lalaging buhay ang alaala mo.

Bagong bayani kang sasamba-sambahin
At ang pangalan mo’y dadali-dalitin
Lahat mong ginawa’y iisa-isahi’t
Sisinuping parang gintong nagniningning
Ang kabayanihang iyong itinanim;
Ay aalagaan nang buong taimtim;
Dahilan sa bayan kaya ka nakalibing
Kaya ang pupuri sa iyo’y bayan din.

I.                  PAGKAKABUO
A.   Sangkap ng Tula
1.      Bilang ng Taludtod:  8 o walong talutod.
2.     Bilang ng Saknong: 7 o Pitong  Saknong
3.     Cesura o Hati: 6/6 cesura
a.      Sukat: Lalabindalawahing pantig
b.     Tugma: Tugma sa Patinig at Tugma sa Katinig
c.      Talinghaga:
Nagdidili-dili
Matanto
Kabuktutan
Sukab
Iginugupo
d.     Magandang diwa o kaisipan:
Ang mga tao sa kasalukuyang panahon ay handa ring magsakripisyo ng kanilang mga buhay upang maipaglaban nila ang katotohanan at katarungang dapat na kanilang matamasa.
Marami ngayon ang nagpapasawalang bahala na lamang kahit na aping-api na busabos pa ng ibang lahi ngunit kung ikaw ay gagawa ng mga hakbangin, hindi ka man magtagal ikaw ay mananatiling buhay sa puso ng mga taong ikaw ay tumulong at sa bayng simpleng naging saksi ng mga paghihirap mo para sa kanya at sa mamamayan niya.

B.   Uri ng Tula Ayon sa Anyo
a.       Tulang Liriko o Pandamdamin
C.   Uri ng Tula Ayon sa Kayarian
a.       May Sukat at May Tugma

II.               PAGPAPALIWANAG NG BAWAT SAKNONG
Unang saknong:

Tayo ay mga Pilipino na makikilala sa ating mga kulay at anyo. Tayo ay nabuhay sa mali at baluktot na sistema ng buhay.  Tayo ay humanda at kumilos upang maituwid ang mali.
                  Ikalawalang saknong:
Tayo ay mga Pilipino na kalahi ng mga dakilang tao na nakilala sa kanilang mga tapang at galing. Tayo rin ay maaaring maging katulad nila na isang bayani ng kasalukuyang panahon kung tayo ay kikilos at gagawa ng hakbang na naglalayon ng kabutihan ng nakararami.
Ikatlong saknong:
Ipinapahayag rito na kung tayo ay inaapi ng sinuman, tayo ay gumagawa ng paraan upang ito ay makaya at maibsan. Upang tayo ay mabuhay pa ng may katiwasayan.

Ikaapat na saknong:
        Sinasabi rito na lahat ng hirap na ating madanas ay inaalay natin sa ating kapwa at sa ating bayan upang ito ay matulungan na makawala sa gapos ng pagmamalupit. Idinidilig natin sa Diyos na sana ay lumaya na ang ating mga sarili at ang ating bayan sa di maganda at makatarungang pamamalakad.
Ikalimang saknong:
                 Hinahangad lamang ng mga mamamayan na ang kanyang bayang minamahal at ang kanyang kapwa Pilipino ang siyang makinabang sa lahat ng bagay na kanilang ginawa at buhay nilang iniaalay. Nawa’y ito ay mabigyang pansin ng mundo at tularan ang kabutihan nila.
Ikaanim na saknong:
                 Ipinararating nito na ang mga taong nagbuwis buhay ay gugunitain pa rin ang kanilang kadakilaan sa bawat puso ng mga napagkalooban nila ng tulong at lalo na ng lupang hinihirang nila.
Ikapitong saknong:
             Sa pagparis mo o paggawa ng mabuti at dakila para sa iba at sa bayan mo, ikaw ay bayani, makabagong bayani sa kasalukuyan at sa bayang mahal ikaw ay kikilalaning tunay dahil ang buhay mo ay sa kanya mo inilaan at inialay. Lahat ng ikaw ay aalalahin dahil sa isa kang huwarang Pilipino ng bayan.
Reaksyon:
Ang tulang Makabagong Bayani ay isang magandang tula na masasabing yaman ng ating panitikan dahil sa makapukaw damdamin na nilalaman nito. Hinihikayat tayo rito na maging malakas, matapang, mapag-isip at maging makatarungang tao o bilang mga Pilipino. Isinasaad rin dito na kahit sino sa atin ay maaaring pamarisan ang mga mabuting bagay na nagawa ng mga hakbang ng ating mga bayani noon sa kanilang mga panahon.
Sa kasalukuyang panahon natin ay wala na ngang mga mananakop at pananakop tulad noong panahon ng mga Espanyol, Amerikano at Hapones  ngunit hindi nangangahulugan na kailangan pang maulit ang mga pangyayari noon upang tayo ay gumawa at gumalaw sa matalinong pamaraan. Ang simpleng pagtulong sa ating kapwa ay maituturing ng kadakilaan dahil ang tunay at wagas na pagtulong sa kapwa ay walang pinipiling panahon at walang sinisino. Iyon ang tamang paggawa na dapat nating isakatuparan sa ating mga buhay. Ngayon at kahit anung oras maaari tayong tumulong, tumulong tayo lalo na sa pagtatanggol ng ating Inang Bayan mula sa mga magnanais saktan siya at hamakin pa ng ibang lahi o maging ang ating kapwa Pilipino.
Lagi nating isaisip na tayo ay mga nilikha ng Diyos na may mga tungkulin at pananagutan sa ating mga bagay na ating tinatamasa. Kaya tayo, tayong mga Pilipino, Pilipinas ang bayan natin, ating alagaan at mahalin.


No comments:

Post a Comment