Pages

Total Pageviews

Wednesday, November 2, 2011

Sa Dulo Man ng Daigdig

Sa Dulo Man ng Daigdig
Pagsusuri ng Maikling Kwento
   
Uri ng Panitikan
A.   Maikling Kwento

1.      Pamagat: Sa Dulo Man ng Daigdig
2.      May-akda: Pedro S. Dandan
3.      Aklat: Pluma II Wika at Panitikan para sa Mataas na Paaralan
Pahina: 306 – 315

I.            Pagsusuri ng Maikling Kwento
A.  Salik
1.    Pagpapakilala sa Tauhan
Aling Pura- Ang ina ni Ben at asawa ni Mang Doro. Siya ay isang mabait at mapagmahal at labis na mapag-arugang ina at asawa sa kanyang pamilya. Siya rin ay larawan ng isang dakila at huwarang ina.

Mang Doro- Ang ama ni Ben at asawa ni Aling Pura. Isa siyang mapagmahal na asawa at ama. Sinusuportahan niya ang kanyang asawa. Siya ay nagpakita ng tapang bilang isang lalaki nang umalis ang kanyang anak.

Ben- Ang anak nina Aling Pura at Mang Doro. Siya ay isang mabait at mapagmahal na anak. Siya ay naging sundalo at sumama sa paglaban sa mga mapang-aping Hapones.

2.    Paglalarawan ng Tagpuan
          Ang mga pangyayari sa akda ay naganap sa magulong lipunan ng Pilipinas noong panahon ng paninirahan ng mga Hapones.
          Sa nakakaawang lugar sa Muralya, Fort Santiago, nabilanggo si Aling Pura kasama ang iba pang mga sundalong nahuli. Ang piitan ay mabaho at hindi napaglalagusan ng araw, nababakuran ng mga rehas na bakal ang itaas at labis ang dilim sa paligid sa loob nito. Sa labas naman nito ay mga sundalong Hapones na mga nagbabantay.

3.    Pagbubuod
          Nang magising si Aling Pura ay hindi siya mapakali dahil sa pag-alis ng anak at pagsama sa hukbong militar upang maging sundalo. Bumisita ito sa kanya minsan at sinabi na sila ay isasama na sa labanan kaya ito ay nagpaalam na sa ina at ama. Labis na nalungkot ang kanyang ina ngunit wala siyang nagawa.
          Makalipas ang labanang iyon ay wala ng natanggap na balita ang mag-asawa sa kanilang anak. Labis iyong ikinabahala ni Aling Pura kaya walang siyang sinayang na pagkakataon upang hanapin ang anak sa mga lugar kung saan dinadala ang mga nahuling sundalo ngunit hindi niya pa rin ito natagpuan. Isang araw ay umalis siya na mag-isa at nagtungo sa Camp ‘o Donnell upang tingnan kung naroon ang anak ngunit wala din ito roon. Nang umuwi siya sa bahay nila ay hindi niya natagpuan ang kanyang asawa na si Mang Doro. Si Mang Doro pala ay napaghi-nalaang gerilya kaya binaril ng kempei-tai. Sa pangyayaring iyon ay hindi pa rin siya nawalan ng pag-asa at patuloy na nabuhay upang hanapin ang anak. Siya ay namuhunan at siyang ginamit niya upang matustusan ang kanyang paghahanap sa anak. Lahat ng paraan ay kanyang ginawa hanggang sa maloko siya at maubos ang lahat ng kanyang mga naipon sa pagtitinda. Nang maghirap siya ay pinilit niyang mapalapit sa sundalong hapon sa labas ng Fort Santiago upang nakakuha ng impormasyon tungkol sa anak dahil may balitang nasa loob daw niyon ang kanyang anak. Ngunit sa kasamaang palad ng tanungin niya ang bantay tungkol dito ay nagalit ito at pinaghinalaan siya na isang gerilya. Kaya siya ay dinakip at ikinulong sa loob ng Muralya, Fort Santiago. Doon sa loob ay pilit niyang hinanap ito ngunit walang Ben na anak niya ang naroroon. Isang nakakulong naman doon ang nagbigay sa kanya ng muling pag-asa ng sabihin nito na may darating na tulong mula kay MacArthur na may kasamang mga sundalong Pilipino na takas mula sa nakaraang labanan. Nabuhayan siya ng pag-asa kaya gayundin,  ang ibinigay niya sa kapwa niya bilanggo.
          Hindi nagtagal ay nagkasakit si Aling Pura. Sa pagkagulapay niya sa lapag ay binibingi na siya ng mga pagbagsak ng bomba buhat ng labanang nangyayari sa labas ng kulungan. Nakapasok na sa bilangguan ang mga tutulong sa kanila. Maya-maya ay may isang lalaki dumating at umakay kay Aling Pura at kanyang nakilala ito na si Ben , ang kanyang pinakamamahal na anak. Mula sa pagkakabuhat ng kanyang anak sa kanya ay hindi nagtagal ay binawian na ng buhay ang kaawa-awang si Aling Pura na hanggang sa huling pagkakataon ay naghintay sa kanyang anak. Labis niya itong mahal…


B.   Bisang Pampanitikan
1.    Tema o Paksa ng Akda:

      Ang paksa ng akda ay patungkol sa labis na pagmamahal ng ina sa anak na hanggang sa huling sandali ng buhay nito ay nagnais lamang na makitang buhay at maayos ang kalagayan ng kanyang anak.

2.    Damdaming Nangingibabaw :

      Kalungkutan-  Sa akda ay labis na naipadama ang kalungkutan ng mga tauhan dahil sa mga kalupitang naganap sa mga Pilipino noon. At kalungkutan ng pangunahing tauhan para sa anak na nawalay sa kanya at sa asawang pinatay ng walang sapat na dahilan.
          Pagmamahal ng Ina/Magulang sa Anak- Nangibabaw dito ang labis na pagmamahal ng ina sa kanyang anak at ipinakita niyang handa niyang suungin lahat ng panganib malaman lamang ang kalagayan ng minamahal na anak. Hindi siya sumuko hanggang huli para sa anak.
3.    Istilo ng May-akda sa Pagsulat:

      Ang uri ng tekstong ginamit ng may-akda sa isinulat niyang maikling kwento ay tekstong narativ . Ang tekstong ito ay ginamit niya upang isalaysay ng maayos ang mga pangyayaring naganap sa kanyang mga tauhan. Dito niya inilahad ang pagkakasunod- sunod ng mga pangyayari na makapagbigay buhay at kulay sa kanyang akda. Naipakita niya rin dito ang mga historical ng pangyayari sa ating kasaysayan “Ang Martsa ng kamatayan”. At siya rin naman ay gumamit ng mga salitang madaling mauunawaan ng mga mambabasa. Sa mga paraang iyon ay nasulat niya at nalikha ng maganda ang akdang “ Sa Dulo Man ng Daigdig”.



C.   Mga Aral sa Buhay

1.       Ang bawat mamamayan ay may tungkuling dapat gampanan sa kanyang sariling bayan.
2.       Ang mga Pilipino ay handang lumaban at mamatay para sa kanyang bayan at sa kanyang kapwa Pilipino.
3.       Ang mga taong naaapi ay marunong lumaban at ipaglaban ang kanyang karapatan.
4.       Ang mga magulang ay ang siyang nagbibigay gabay sa atin upang tayo ay lumaki ng tama at wasto.
5.       Ang bawat magulang o ang bawat ina ay ninanais na mapasamabuti ang kalagayan ng kanyang anak.
6.       Ang pagmamahal ng ina sa kanyang anak ay higit higit pa kanino man na handa niyang ibigay ang lahat para lamang sa mahal na anak.
7.       Ang tao ay hindi dapat mawalan ng pag-asa dahil hanggang may buhay ay may pag-asa tayong matatamo.
8.       Lagi nating isaisip na ang Diyos ay laging handang tumulong sa atin sa mga panahong hindi natin inaasahan at sa mga paraang hindi natin namamalayan.
9.       Ang bawat paghihirap at pagpapakasakit ay sinusuklian din ng bagay na ating pinakamimithi.
10.   Lahat ng bagay ay may katapusan. Lahat ng hirap at pighati ay natatapos din. At may bagong pagsubok na dapat harapin.

“Digmaan ay maiiwasan kung ang pag-ibig sa puso ng bawat tao ay laging mananahan.”



II.         Reaksyon
        Isang napakagandang akda para sa akin ang maikling kwentong “ Sa Dulo Man ng Daigdig”. Ako ay labis na naantig sa mga pagpapakahirap na dinanas ni Aling Pura mahanap lamang ang kanyang anak na si Ben. Ako rin ay nalungkot sa walang hustisyang pagkakapatay kay Mang Doro. Dito ko din muling nadama ang mga hirap na dinanas ng kapwa ko Pilipino noong panahon ng pananakop ng mga Hapones at maging ng mga nauna pang mga mananakop sa atin. Dito ko rin nasalamin ang walang hanggang pagmamahal ng Ina sa kanyang anak na hindi siya titigil na gawin ang lahat ng bagay para lamang mapabuti niya ang kalagayan ng kanyang mahal na anak.
                Ang akdang ito rin ay nagbibigay inspirasyon sa akin na dapat ako ay maging isang mabuting Pilipino dahil noon ay maraming Pilipino ang nagpakahirap, nagdusa, at namatay  upang makamtan lamang ang kalayaang aking natatamasa ngayon. Sana sa nga tulad kong makabasa ng akdang ito ay maisip din nila ang ganda ng buhay na mayroon ang kasaluyang buhay namin kaysa noon na puro digmaan at pang-aapi ang dinadanas ng nakararami. Marapat sana ay mapagyaman natin an gating mga sarili upang makatulong sa pag-unlad na ating bayan.
                Iba talaga ang kasaysayan ng ating bayan kaya ang akdang ito ay isa sa mga patunay na mayaman ang ating bansa sa mga literatura patungkol sa marami pang bagay. Sa Dulo Man ng Daigdig- Ang mga Pilipino ay mga makasaysayan at magagaling na tao.

No comments:

Post a Comment